Laho

​Ikaw ang tanging pangarap,

Na tinitingala sa lumalampas pa sa mga ulap.

Awang sa Kanya’y hinihiling,

“Ito na lang po, wala na kong ibang aasamin.”

Distansyang hindi matapos,

Dinudurog na ang pusong sa pag-asa’y kapos.

Umiikli na ang oras,

Habang lumalapit ang pagdaos.

Natatakot marinig,

Sasabog na ang dibdib.

Ang itulak ka palayo,

Ay ang pagtanggap sa katotohanang hindi ka magiging akin.

Tumakbo na lang ng matulin,

Habang naglalaho ka sa aking paningin.

Advertisements

Hapo

Dapat ikaw ang sasagip,

Sa tinig kong nawawalan ng himig.

Pero bakit iyong ipinagkait,

Kapatawarang ibinibigay kahit ng langit.

Nais mo’y laging umalingawngaw,

Sa silid nating pinatayan na ng ilaw.

Hindi ka ba napapaos?

O gustuhing ito’y matapos?

Hiling ko sana’y lumiban ka na,

Sa masalimuot at nakakatinik na katha.

Hindi ka ba napapagod?

Pagkatao ko’y hapo na sa malungkot mong hagod.

Maraming tanong na naghahanap ng kasagutan,

Ngunit hindi ko na sa’yo ito matagpuan.

Lahat ng pagsubok ng nakaraan,

Malinaw ko ng binibitawan.

Ayoko. Gusto ko. Magulo.

Mabigat. Masakit na sa ulo.

Sana’y matapos na ang kadiliman na mayroon tayo

At iwanan ang bawat isa sa’tin na natuto.